Share This Story

Hep, hep! Takot ka bang magka-hepa?

Marami ang natatakot sa hepatitis dahil sa mga maling akala at impormasyon. Kaya marami rin ang natataranta at hindi alam ang gagawin kapag nakuha ang sakit. Imbes na makatulong, mas nakasasama pa ito at nakapagdudulot ng mas maraming problema.

Tulad ng ibang sakit, ang susi sa proper management ng hepatitis ay tamang impormasyon. Makukuha ito mula sa mga doktor, medical societies, grupo ng mga hepatitis patients at survivors, at legit at credible online sources. Ito ang ilan sa mga pwede mong gawin para maging maalam tungkol sa sakit at mas handa sakaling magkasakit,

Alamin ang sakit na ito
Importanteng maging properly educated tungkol sa hepatitis: anu ano ang iba’t ibang klase nito, ang mga sanhi, posibleng sintomas, at mga paraan paano maiwasan ang pagkalat nito. Hindi dapat maniwala agad sa mga sabi sabi ng mga kakilala o kakilala ng mga kakilala. Maghanap ng mapagkakatiwalaang sources ng impormasyon. Kung hindi agad makapag-usap sa isang doktor or espesyalista, pwedeng magbasa online pero siguraduhing may kredibilidad ang mga sources tulad ng Department of Health at mga organisasyon ng mga health experts kabilang ang Hepatology Society of the Philippines (HSP).

Kumunsulta agad sa doktor kapag may mga sintomas
Malaking tulong ang tamang impormasyon sa pag-iwas sa pagkakaroon ng hepatitis at sa pagtukoy ng mga sintomas. Kapag nakaramdam na ng mga ito, huwag mag-atubiling lumapit sa doktor para magpatingin o magpa-test para malaman ang susunod na mga hakbang. Pwede i-check ang mga doktor na malapit sa lugar ninyo sa listahang ito ng HSP, https://hsp.org.ph/resources-for-patients-directory-of-doctors/.

Makipag-ugnayan sa mga taong mayroong hepatitis
Bukod sa mga doktor at espesyalista, ang mga hepatitis patients ay mainam ding source ng impormasyon tungkol sa sakit. Pwede rin silang pagkunan ng mga payo at suportang emosyonal para mas madali at magaan ang pagdadala ng sakit. May mga support groups tulad ng Hepatitis B & C Support Group-Yellow Warriors Society Philippines, HEPATITIS B SURVIVORS, at Hepatitis C Treatment and Support in the Philippines na makikita sa mga social networking sites.

Tandaan kung ano ang importante
Ang pagkakaroon ng hepatitis ay hindi nakakabawas sa pagkatao ninuman. Posible pa rin maging normal ang pang-araw araw na takbo ng buhay. Pwede ka pa ring magtrabaho at makipag-bonding sa iyong mga pamilya, kaibigan, at ibang mahal sa buhay. Maraming hepatitis patients ang kinaya at kinakayang i-manage ang kanilang sakit sa loob ng maraming taon. Sa tulong ng proper treatment o pag-manage, kaya mo ding mamuhay nang normal at hindi makaranas ng mga major issues o komplikasyon na dulot ng hepatitis.

References:
https://www.worldhepatitisalliance.org/missing-millions/casestudy/tackling-stigma-and-discrimination-in-the-philippines/
https://www.hepb.org/prevention-and-diagnosis/newly-diagnosed/
https://hsp.org.ph/yellow-warriors-society-fights-for-awareness-eradication-of-hepatitis-b/
https://www.nature.com/articles/d41586-022-00816-x