Share This Story

Hepa B vaccine: Bakit kailangan ni baby?

Nananatiling banta ang viral hepatitis sa kalusugan at buhay ng tao. Sa Pilipinas, ang prevalence rate o antas ng paglaganap ng Hepatitis B ay nasa 10%.

Ang chronic Hepatitis B ay isang common risk factor ng liver cancer, ang pangalawa sa pinakamataas na cancer-related deaths sa Pilipinas.

Para maiwasan ang tuluyang paglaganap nito, dapat maiwasan ang hepatitis virus infection sa lahat ng bagong silang na sanggol. Dapat mabigyan ng bakuna si baby laban sa Hepatitis B sa loob ng 24 oras ng pagkapanganak para maiwasan ang mother-to-child transmission ng infection.

Para sa karagdagang proteksyon, bibigyan ng tatlo pang doses ng bakuna si baby sa sumusunod na linggo– ika 4-8 linggo, ika 10-16 linggo, at bago mag-isang taon. Ang tatlong doses na ito ng bakuna ay nagbibigay ng habang buhay na proteksyon laban sa Hepatitis B.

Heto ang ilan pang mga facts na dapat mong malaman tungkol sa Hepatitis B at kay baby:

Panghabambuhay na proteksyon. 90% ng mga sanggol na na-infect ng hepatitis virus ay magkakaroon ng chronic infection. Pag sinabing chronic infection, mas seryoso ito kumpara sa acute infection at pwedeng maging panghabanghuhay ang sakit.

Iwasan ang chronic infection. Tinatayang 25-50% ng mga sanggol at bata na 1-5 taong gulang ang pwedeng mag-develop ng chronic infection.

Nagsisimula habang sanggol at bata pa lang. Sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, karamihan sa mga taong may chronic hepatitis B ay na-infect ng virus habang sila ay pinapanganak at habang sila ay bata pa (early childhood stage).

Libre ang bakuna para kay baby. Ang hepatitis B immunization ay kasama sa  Maternal, Newborn, Child Health and Nutrition (MNCHN) Package ng Department of Health. Ayon sa batas na  Republic Act 10152 (An Act Providing for Mandatory Basic Immunization Services for Infants and Children), libre ang hepatitis B vaccination at mandatory ito sa lahat ng bagong silang na bata.

Karagdagang proteksyon para sa baby na may nanay na infected. Ang mga sanggol na may nanay na may Hepatitis B ay dapat mabigyan ng additional na shot na tinatawag na HBIG (pre-formed antibodies against the virus) pagkapanganak.

Kumpletong bakuna. Kapag na-kumpleto na ang lahat ng Hepatitis B vaccination, nagbibigay ito ng 90% na proteksyon laban sa impeksyon.

Ang Hepatitis B ay isang seryosong sakit na pwedeng magdala ng seryosong komplikasyon at pagkamatay. Ang kumpletong bakuna para kay baby ang isa sa pinakamabisang line of defense ng ating baby laban sa sakit. Makipag-ugnayan sa inyong health center o sa pediatrician ni baby para sa schedule ng bakuna.

References:

Resources for Patients: Overview. Hepatology Society of the Philippines. https://hsp.org.ph/resources-for-patients-overview/

Prevent infection among infants. Department of Health Cordillera Center for Health Development. https://caro.doh.gov.ph/prevent-infection-among-infants/

DOH Rolls out Nationwide Hepatitis B Testing, Appeals for Participation of Parents and Caregivers. Department of Health. https://doh.gov.ph/node/14559

HEP B Birthdose for newborns can’t wait. Department of Health Cordillera Center for Health Development. https://caro.doh.gov.ph/hep-b-birthdose-for-newborns-cant-wait/